Patakaran Laban sa Bullying
Lahat ng Paaralan ay dapat magpatupad ng Student Code of Conduct ukol sa pambu-bully na dapat sundin ng bawat mag-aaral alinsunod sa BP 5145.31 para sa Hate Motivated Behavior. Susundin ng lahat ng mag-aaral ang patakaran kapag nagbibiyahe papunta at pauwi mula sa paaralan o sa mga aktibidad na itinataguyod ng paaralan, tuwing tanghalian o recess sa paaralan, at nasa loob man o labas ng campus.
Dapat isama sa Student Code of Conduct, ngunit hindi limitado, sa mga sumusunod na inaasahan:
- Inaasahang pakikitunguhan ng mga estudyante ang iba nang may paggalang at dignidad.
- Ang sinumang mag-aaral na masasangkot sa pambu-bully ay maaaring sumailalim sa aksyong pandisiplina alinsunod sa kodigo ng disiplina ng Distrito.
- Inaasahan na agad na iuulat ng mga mag-aaral ang mga insidente ng pambu-bully sa punong-guro o sa itinalagang kinatawan nito. Ang pag-uulat ng mga alalahanin sa kaligtasan sa mga nakatatandang awtoridad ay hindi katulad ng "pagiging sumbungero" at nagpapakita ng pagmamalasakit sa taong napipinsala o nasasaktan.
- Dapat tumanggi ang mga mag-aaral na manood, tumawa, o sumali kapag may binubully.
- Hinihikayat ang mga mag-aaral na magbigay ng suportang moral sa sinumang mag-aaral na binu-bully o pinakikitunguhan nang masama.
- Maaaring magtiwala ang mga mag-aaral na agarang iimbestigahan ng mga kawani ang bawat reklamo ng pambu-bully sa isang masusi at kumpidensyal na paraan.
- Kung sa palagay ng nagrereklamong mag-aaral o ng magulang ng mag-aaral ay hindi naabot ang angkop na resolusyon ng imbestigasyon o reklamo, dapat makipag-ugnayan ang mag-aaral o ang magulang ng mag-aaral sa Tagapangasiwa ng Paaralan (Site Administrator) o sa Direktor ng Mga Serbisyo sa Pagsuporta sa Mag-aaral (Director of Student Support Services).
Mga Responsibilidad ng Magulang
- Unawain at talakayin ang patakarang ito at ang mga patakaran ng paaralan kasama ng iyong anak.
- Iulat ang mga insidente ng pambu-bully sa guro, tagapayo, punong-guro, o itinalagang kinatawan ng punong-guro ng inyong mag-aaral.
- Alamin ang mga babalang senyales na ang iyong anak ay maaaring biktima o gumagawa ng pambu-bully.
Pagtugon sa mga Reklamo ng Bullying
- Ang tugon ng distrito sa pambu-bully ay dapat maging komprehensibo at kinabibilangan ng mga kawani, mag-aaral, mga magulang/legal na tagapangalaga, at ng komunidad, kung naaangkop, upang matugunan ang pambu-bully sa lahat ng antas ng paaralan.
- Maaaring maghain ng reklamo sa sinumang kawani sa paaralan o sa antas ng distrito, ayon sa naaangkop. Hinihikayat ang mga biktima ng pambu-bully na ihain ang kanilang reklamo nang nakasulat gamit ang Bullying Report Form. Gayunpaman, tatanggapin pa rin ang mga pasalitang reklamo.
- Lahat ng reklamo sa pambu-bully ay dapat imbestigahan at lutasin sa loob ng 30 araw ng pasukan mula sa paghahain ng reklamo.