Pakikilahok ng Magulang
Ang pakikipag-ugnayan sa magulang ay nangangahulugan ng mga pagsisikap ng distrito ng paaralan at ng mga paaralan na humingi ng opinyon mula sa lahat ng magulang, at isali ang mga magulang bilang katuwang sa edukasyon ng kanilang mga anak at sa paggawa ng desisyon. Nangangahulugan din ito ng pagtataguyod ng pakikilahok ng magulang sa mga programang tumutugon sa mga pangangailangan ng sarili nilang mga mag-aaral at ng iba pa sa campus.
Sa pamamagitan ng tapat at tunay na pakikilahok ng magulang, ang mga pamilya, paaralan, at komunidad ay malapit na nagtutulungan upang bumuo ng isang matatag na pundasyon para sa tagumpay ng mag-aaral.
PAGGAWA NG BALANGKAS PARA SA PAGTATAGUMPAY
Inaasahan ng estado ang inyong distrito na mag-ulat tungkol sa mga pagsisikap nito kaugnay ng pakikipag-ugnayan sa magulang.
Kung ang distrito ay magsasagawa ng sarbey sa mga magulang, inaasahan nitong ibuod ang mga pangunahing natuklasan mula sa sarbey na iyon na may kaugnayan sa:
- Pagsusulong ng pakikilahok ng magulang sa mga programang pang-edukasyon
- Pangangalap ng opinyon mula sa mga magulang sa paggawa ng mga desisyon tungkol sa paaralan at distrito.
May opsyon ang distrito na mag-ulat ukol sa pakikilahok ng magulang gamit ang mga pansukat na pipiliin nito. Batay sa pambansang pananaliksik sa epektibong pakikipag-ugnayan sa magulang, inirerekomenda ng California State PTA na mag-ulat ng mga karagdagang pansukat, tulad ng:
- Ang bilang ng mga kawani para sa pakikipag-ugnayan sa pamilya at mga sentro ng mapagkukunan ng pamilya na binuo upang mas maiugnay ang mga pamilya sa mga paaralan
- Ang bilang ng mga paaralang nagpapakita ng inklusibong pakikipag-ugnayan sa lahat ng pamilya, sa mga wika sa tahanan, at madaling dalawahang-direksyong komunikasyon sa pagitan ng tahanan at paaralan
- Ang bilang ng mga magulang na nakakaalam kung gaano kahusay ang ginagawa ng kanilang mga anak sa klase, kung paano susuportahan ang akademikong pag-unlad ng kanilang mga anak, at kung paano pinaplano ng kanilang paaralan na pahusayin ang mga resulta ng mag-aaral.
MGA DAPAT MONG ITANONG TUNGKOL SA PAKIKILAHOK NG MAGULANG
- Nararamdaman ba ng mga pamilya na sila ay malugod na tinatanggap, pinahahalagahan, at konektado sa isa't isa at sa paaralan sa ating komunidad? Mayroon ba ang ating paaralan ng family engagement coordinator, isang parent center na may mga serbisyong multilinggwal, o mga magulang na boluntaryo upang palawakin ang pag-abot sa mga pamilya sa lahat ng komunidad? Mayroon ba tayong mga aktibong grupo ng magulang? Ang ating mga kaganapan at grupo ba para sa magulang ay inklusibo at malugod na tumatanggap ng mga pamilya mula sa lahat ng pinagmulan?
- Nagtutulungan ba ang mga magulang, kawani, at ang ating mga katuwang sa komunidad upang suportahan ang tagumpay ng mag-aaral sa tahanan at sa paaralan? Mayroon bang mga workshop at pagsasanay para sa mga magulang sa mga wikang sinasalita sa tahanan, tulad ng School Smarts Program ng PTA, kung paano tutulungan ang mga bata na magtagumpay at kung paano gumagana ang paaralan at distrito?
- Madali ba para sa mga magulang, mga grupo ng pamumuno ng magulang, mga School Site Council, at iba pang komite na makipag-usap at makipagtulungan sa school board, mga tagapangasiwa ng distrito, at mga kawani? Sinusarbey ba ang mga magulang sa kanilang sariling wika, at regular bang tinitipon para sa kanilang opinyon sa mga priyoridad ng komunidad at paggawa ng desisyon sa distrito ng paaralan? Paano ipinapakita ng distrito ng paaralan na pinag-isipang mabuti at binigyang-halaga ang opinyon ng mga magulang?
- Paano natin itinataguyod at pinalalago ang pakikilahok ng magulang? Mayroon ba tayong mga layunin at pondo upang madagdagan ang pakikilahok ng magulang sa loob ng ating Local Control and Accountability Plan (LCAP)? Paano natin ginagamit ang PTA National Standards for Family-School Partnerships? Nag-aalok ba tayo ng mga aktibidad at kaganapan sa buong paaralan na may mababa o walang gastos para sa mga pamilya sa ating komunidad?
- Paano maaaring matuto nang higit pa at magtanong ang mga magulang tungkol sa mga programa, patakaran, at aktibidad ng distrito? Mayroon ba tayong plano na hikayatin at ipaalam sa mga magulang ang tungkol sa pagpopondo sa paaralan, mga resulta ng mag-aaral, at kung ano ang mangyayari pagkatapos maaprubahan ang LCAP?
ANG SINASABI NG MGA TAO TUNGKOL SA PAKIKILAHOK NG MAGULANG
- “Talagang masayang makita ang aking nanay na ginagawa ang ginagawa ko sa paaralan. Nakatulong sa akin ang programang PTA School Smarts na gumawa ng takdang-aralin kasama ang aking nanay at tatay at magsaya nang husto.”
- “Alam ko ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga magulang mula pa noong simula. Nagtatagumpay ang mga bata kapag ang kanilang mga magulang ay pinalakas bilang mga katuwang at katulong. Nakipag-ugnayan ako sa pamamagitan ng mga lingguhang newsletter na ipinadadala pauwi kasama ng mga bata. Nagtakda ako ng mga pagpupulong kasama sila sa bahay. Binigyan ko sila ng mga ideya para sa pakikipagtulungan sa kanilang mga anak at impormasyon tungkol sa mga yugto ng pag-unlad sa pagkatuto para sa lahat ng bata.”
- “Tenemos una coordinadora en nuestra escuela que nos llama cuando hay reuniones con la directora. (Sa aming paaralan, mayroon kaming tagapamagitan sa mga magulang na tumatawag sa amin kapag may pagpupulong sa paaralan kasama ang punong-guro).”
MGA KARAGDAGANG MAPAGKUKUNAN
Alamin kung paano natutugunan ng iyong distrito ang priyoridad na ito ng estado.
- Tingnan ang opisyal na ulat sa caschooldashboard.org sa ilalim ng mga lokal na indicator.
- Tingnan ang website ng inyong school district upang mahanap ang Local Control Accountability Plan nito
- PTA National Standards for Family-School Partnerships Assessment Guide
- School Smarts Parent Engagement Program ng California State PTA
- Parent Portal ng California Department of Education
- WestEd Family Engagement Framework
- The Power of Parents ng EdSource
- The California Endowment Parent Page